Tertulyang Pangwikang “Bida-Bida”, isinagawa ng SWaK-SorSU

Ang Sentro ng Wika at Kultura (SWaK) na nakabase sa Sorsogon State University-Lungsod Sorsogon ay nagsagawa ng seminar-worksyap, na may pamagat na “BIDA-BIDA 2024: Pagtatampok ng Nabuong Awit, Tula, Arte, Laro, Musika atbp. Ito ay ginanap ngayong Agosto 24-25, 2024 sa SorSU Social Hall.

Sinimulan ang programa ng bating pagtanggap at mensahe ng pangulo ng SorSU, Kgg.Geraldine F. De Jesus. Masaya niyang binati ang mga kalahok at pinasalamatan sa patuloy na pagtangkilik sa gawain ng SWK. Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng pagmamahal sa sariling wika.


Isang mensahe rin ang ipinaabot ni Kgg. Arthur P. Casanova, Tagapangulo, KWF. Binigyang-diin niya ang halaga ng wikang Filipino at halaga ng kalayaan sa paggamit ng wika sa iba’t ibang larang.


Binigyang-kulay din ang nasabing tertulya ng inihandog na katutubong sayaw ng ilang mananayaw na mag-aaral ng SorSU.
Inilahad naman ni Dr. Felisa D. Marbella, Direktor ng SWK-SorSU ang oryentasyon ng programa at pagpapakilala sa mga kalahok na mga guro mula sa iba’t ibang dibisyon ng DepEd Lungsod Sorsogon at Lalawigan ng Sorsogon.


Tinalakay ni Dr. Richelda P. Jolo, fakulti ng SorSU ang temang “Wikang Mapagpalaya sa Mapagpalayang Panahon”. Binigyang-tuon naman ni G. Eric Gelilio, guro ng Gallanosa National High School ang “Mapagpalayang Wika,Gamit sa Sining Pantanghalan.


Masiglang nakibahagi at nakiisa ang mga kalahok sa gawain ng mga tagapanayam. Sa ikalawang araw ng gawain ay itinampok ang pagpapakitang-gilas ng mga kalahok sa kanilang inihandang presentasyon ng iba’t ibang sining pantanghalan (sabayang pagbigkas, tigsik, madulang pagbasa, liksawitan, dula-dulaan). Pinatunayan nitong ang mga Pilipino ay tunay na talentado at gamit ang wika ay malaya nilang naipamalas ang kanilang kakayahan sa sining pantanghalan. (SWaK-SorSU)