LIRIP 7: Pandaigdigang Kumperensiya sa Filipino, nilahukan ng mga guro at mag-aaral

Dumalo ang mga guro sa Filipino ng Pampamahalaang Pamantasan ng Sorsogon kasama ang mga mag-aaral sa 𝙇𝙄𝙍𝙄𝙋 7: 𝙋𝙖𝙣𝙙𝙖𝙞𝙜𝙙𝙞𝙜𝙖𝙣𝙜 𝙆𝙪𝙢𝙥𝙚𝙧𝙚𝙣𝙨𝙞𝙮𝙖 𝙨𝙖 𝙁𝙞𝙡𝙞𝙥𝙞𝙣𝙤 na ginanap noong Setyembre 28-30, 2023, University of Southern Mindanao, Kabacan, Cotabato. Tema ng nasabing kumperensiya ang “Glokal: Filipino sa Iba’t Ibang Larang” na inorganisa ng Lumina Foundation for Integral Human Development (LIRIP), Network of Professional Researchers and Eductors (NPRE), Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining o National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Southeast Asia Research Center and Hub (SEARCH) na nakabase sa Pamantasang De La Salle, Consortia Academia; Pamantasan ng Katimugang Mindanao o University of Southern Mindanao at ang Pampamahalaang Pamantasan ng Sorsogon o Sorsogon State University.

Ang LIRIP ay isang pambansang kumperensiya sa Filipino na taunang isinasagawa ng pamunuan ng mga nabanggit na organisasyon. Ang mga mananaliksik ay binibigyan ng pagkakataong makapagpresenta ng kanilang mga nabuong papel pananaliksik. Ang mga nasabing mananaliksik ay nagmula pa sa iba’t ibang panig ng bansa. Sila’y nagkadaupang palad para sa iisang layunin, ang maitaguyod ang mithiin ng bawat mananaliksik.

Matagumpay na nagtapos ang tatlong araw na kumperensiya sa University of Southern Mindanao. Naranasan din ng mga delegado na maikot at makilala ng lubusan ang malawak na lupain ng Unibersidad. Nakatulong din ang lakbay-aral na malaman ang kultura at kwento ng Cotabato. Tunay na mayaman sa lupain at pagkakaroon ng kababaang-loob ang mga naninirahan sa nasabing lugar. (FDM)