Alang-alang sa kapakanan, pagpapalaganap, at pagsulong ng wikang Filipino bilang wikang pambansa at ng mga katutubong wika at kultura, alinsunod sa mga tadhana ng Konstitusyon 1987 at ng Batas Republika Blg. 7104, seryeng 1991, nilagdaan ng Pampamahalaang Pamantasan ng Sorsogon (SorSU) at Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang isang Memorandum ng Unawaan ngayong ika-14 araw ng Marso, 2024 sa Pulungang De Veyra, 2/P Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacanang Complex, San Miguel, Maynila.
Sa pangunguna ng Pangulo ng SorSU na si Dr. Geraldine F. De Jesus, kasama ang Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng SorSU, si Dr. Felisa D. Marbella, Atty. Mary Joy C. Bongapat (Acting Board Secretary/Legal Officer), Propesor Abner L. Dellosa (Puno, Human Resource Management Office,), Gng. Marie Susan D. Caudilla (Cashier), G. Jobert L. Tarraya (Staff, SorSU Office of the President) at Bb. Yodel D. Berdin (SorSU PIO), binisita ng delegasyon ang tanggapan ng KWF. Ang mga bisita ay nagkaroon din ng pagkakataong makapanayam ang Tagapangulo ng KWF na si Dr. Arthur P. Casanova at Gng. Minda Blanca L. Limbo (Linguistic Specialist), na siyang namahala ng gawain.
Sumunod dito ang opisyal na programa na sinimulan ng presentasyon ng pambansang awit at panalangin. Kasunod ay ang mensahe galing kay Komisyoner Dr. Carmelita C. Abduraman na kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-uugnayan ng dalawang pangkat.
“Ang iyong presensya sa hapon na ito ay isang inspirasyon. Sa ngalan ng Komisyon ng Wikang Filipino, na pinamumunuan ng aming Tagapangulo, ay buong puso namin kayong tinatanggap bilang kapatid, kapatiran at kaagapay, sa pagpapaunlad at pagpapayaman ng wika. Ito ang pamana ng ating lahi. Ito ay pamana hindi lang sa atin, ngunit magiging pamana natin sa susunod na henerasyon.”
Ayon naman kay Dr. Marbella, sa ngayon ay may pagsubok ang Filipino sa mga pamantasan dahil unti-unti na itong nawawala, ngunit sambit niya’y gumagawa ang Departamento ng Filipino ng unibersidad ng paraan upang ito ay mapanatili sa kurikulum. ”Ako po bilang nangunguna sa Sentro ng Wika at Kultura ay muli pong tinatanggap ang hamon ng KWF, ng wikang Filipino, ng SorSU para po mapagyaman, mapalaganap, at ipakilala ang wikang Filipino.”
Isinasaad din ni Dr. Casanova ang kanyang galak sa mga dumalo ng mga kawani galing sa unibersidad. “Sa ating paghaharap at paglagda ngayong hapon, parang tayo ay nagsusumpa nang ating pagnanais at intensyon na mapalaganap natin, hindi lamang ang ating wikang pambansang Filipino, kundi maging ang inyong wika sa lalawigan ng Sorsogon. Kasama ang Sentro ng Wika at Kultura ay naka base sa Sorsogon State University. Labis labis ang aming katuwan, sa ngalang po ng KWF, naisi kong ipabatid ang labis na pasasalamat ng komisyon sa ating panauhin ngayon na kasama po natin lalagda ng MOU… Kayo po ay mainit naming tinatanggap dito, kasama na rin po ang pasasalamat ng buong ahensya kabilang ang mayorya o malaking porsyento ng mga kawani ng KWF, upang masaksihan ang makasaysayang yugtong ito ng ating ugnayan, sa pagpapalaganap ng wikang Filipino, at ang iyong wikang Bikol.”
Nagbigay din ng mensahe si Dr. De Jesus, winika niya na personal niyang hiniling ang pagkakataong bumisita sa KWF. “Hindi pa man po ako ang pangulo ng Sorsogon State University, ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ay itinatag na. Siyam (9) na taon na po ang SWK sa aming pamantasan, simula pa po ito noong Pebrero, 2016. Ito ang pang-apat na pagkakataon na muli kaming lalagda at mangangako na ang SWK ng SorSU ay magiging kaagapay ng KWF sa pagsasagawa ng mga tungkuling nakasaad sa MOU”, wika ni Dr. De Jesus.
Layunin ng MOU na (1) patatagin ang sentro ng wika at kultura, (2) magsagawa ng mga aktibidad gaya ng seminar, palihan, gawad timpalak, kumperensiya para sa pagpapalaganap ng wikang Filipino, (3) lumahok at kung maaaring manguna sa pagsulong sa mga katangiang pang kultural ng Rehiyon V partikular sa lalawigan ng Sorsogon, (4) magsagawa ng mga proyekto tulad ng saliksik, pagtitipon, at pagtatanghal ng wika at kultura ng naturang pook, (5) magsagawa ng mabisang ugnayan at pakikipagtulungan sa mga organisasyon at institusyon sa loob at labas ng pamantasan tungo sa katuparan ng mga adhikang pangwika at pangkultura, at (6) magsagawa ng kampanya at proyekto ng KWF.
Pagkatapos ng mga mensahe opisyal nang linagdaan ang MOU ng SorSU at KWF.
Ito ang ikaapat na paglagda ng isang MOU sa pagitan ng SorSU at KWF. Maalaala na nagsimula ng ugnayan na ito noong taong 2016 at muling isinasagawa ang paglalagda tuwing matatapos ang tatlong taon. Ito ay isang patunay na ang SorSU ay katulong sa pagpapalaganap at pag-aalaga ng wikang Filipino bilang wikang pambansa at ng mga katutubong wika at kultura. (SorSU PIO)