Pinarangalan ang Pampamahalaang Pamantasan ng Sorsogon ng prestihiyosong Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura sa idinaos na Araw ng Parangal 2023 ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) sa Hotel Lucky Chinatown, Grand Ballroom, Binondo, Manila noong ika-25 ng Agosto, taong 2023.
Ang nasabing parangal ay dinaluhan ng Pangulo ng SorSU na si Dr. Geraldine F. De Jesus at direktor ng Sentro ng Wika at Kultura (SWaK) ng Pamantasan na si Dr. Felisa D. Marbella. Sila rin ang tumanggap ng plake at katibayang iginawad ng KWF.
Isa ang SorSU sa limang institusyong pang-akademik na nakatanggap ng Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura, kabilang dito ang Aurora State College of Technology, Catanduanes State University, Quirino State University at University of San Carlos sa naturang Araw ng Parangal. Nakamit rin ng Western Mindanao State University ang Dangal ng Wika at Kultura 2023.
Ang Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura ang binibigay sa mga piling Sentro ng Wika at Kultura sa kolehiyo at unibersidad na tumutugon at nakakapasa sa mga kahingian batay sa matrix at tuntunin sa SWK Ebalwasyon. Ang mga naisumiteng kredensiyal ay dumaan sa pagsusuri ng SWK tagapag-ugnay at lupong tagapagpaganap ng KWF. Ang kraytirya ay binubuo ng mga katuparan sa tatlong parte kabilang dito ang (a.) Inisyatiba ng mga SWK, (b.) Pakikiisa sa mga programa at proyekto ng KWF [promosyon, paglahok], at, (c.) Parangal at/o pagkilala.
Maaalalang mapalad at nakatanggap ang SorSU-SWAK ng parehong parangal noong taong 2019 at 2021. Base dito, ang natatanging pagkilala na ito ay nagsisilbing simbolo ng masiglang pagpapahalaga ng institusyon upang mas pang mapalaganap ang mga programang pangwika at kultura, at higit sa lahat ang pag-aalaga sa Wikang Filipino at Wikang Katutubo.
Inaasam muli ng SorSU – SWaK na masungkit ang Dangal ng Wika at Kultura sa susunod na taon. (SorSU-PIO)