Matagumpay na naisagawa ang pampinid na palatuntunan bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Pampamahalaang Pamantasan ng Sorsogon sa Castilla Campus noong ika-30 ng Agosto, kasalukuyang taon. Ito ay may temang “Filipino, Wikang Mapagpalaya”.
Nagsimula ang makulay na palatuntunan sa isang Parada sa Nayon na sinalihan ng mga mag-aaral, tagapagturo, mga staff, tagapangasiwa ng kampus at iba pang mga kawani ng Pamantasan na galing pa sa ibang kampus. Sinundan ito ng isang ritwal na nagpupugay sa watawat ng Pilipinas.
Sa pagpapatuloy ng palatuntunan nagbigay ng mga mensahe sina Prof. Andrew F. Detera, Direktor ng Kampus, Dr. Geraldine F. De Jesus, Tagapangulo ng Pamantasan at si Dr. Felisa D. Marbella ang Tagapangasiwa ng Sentro ng Wika at Kultura. Binigyang diin ng huli ang kahalagahan ng Filipino bilang behikulo ng pagkakaisa at nararapat lamang na payabungin ito.
Lalong tumingkad ang palatuntunan sa isinagawang Pingkian ng Talino na nilahukan ng mga mag-aaral ng iba’t-ibang programa at departamento. Tampok dito ang mga sumusunod: Tagisan ng Talino, Pagsulat ng Sanaysay, Paggawa ng Islogan, Paggawa ng Poster, Isahang Awit, Laro ng Lahi at Pagarbuhan ng Kubol. Ang mga nakasungkit ng unang gantimpala ay ang mga sumusunod: Claire Duploso (Tagisan ng Talino); Nicole B. Suares (Pagsulat ng Sanaysay); Jane L. Abrigo (Paggawa ng Islogan); Alberto Llona Jr. (Paggawa ng Poster); Robert Namia (Isahang Awit); BSA Crop Science 1C at 1D, BSA Crop Science 1C at Sonny Generalo (Laro ng Lahi) at ang pangkat ng BSA Animal Science 1C at 1D ang nakasungkit ng unang puwesto sa pagandahan ng kubol.
Isinara ang palatuntunan sa isang maindayog na Indakan sa Nayon sa saliw ng Pantomina ng Sorsogon. Lahat ng nakilahok ay bitbit ang ngiting namutawi sa kanilang mga pisngi dala ang siglang pumukaw muli sa diwang pagka-makabayan at pagmamahal sa tinatanging Inang Bayan.
Sorsogon State University-Castilla Campus