Isulong ang wikang mapagpalaya: Buwan ng Wika, ipinagdiwang sa SorSU-Bulan Campus

Muli na namang nabalot ng kasiyahan, sampu ng damdaming pagkamakabayan at pagtangkilik sa mga wika sa Pilipinas, ang Sorsogon State University – Bulan Campus sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong araw, Agosto 29, 2024.

Gabay ang temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya”, naghanda ng iba’t ibang mga gawain ang kampus, sa pangunguna ng Supreme Student Council, at iba pang mga organisasyon ng mga mag-aaral upang isulong ang paggamit at pagpapahalaga sa Wikang Filipino.


Kahapon, Agosto 28, isinagawa ang mga akademikong patimpalak tulad ng Pagsulat ng Sanaysay, Paggawa ng Poster, Paggawa ng Islogan, Pagsulat at Pagbigkas ng Tula, Tulang Pabigkas (Spoken Poetry), Dagliang Talumpati, at Tagisan ng Talino. Nilahukan ng mga mag-aaral ang mga paligsahan bilang kinatawan ng mga organisasyon at kursong kanilang kinabibilangan. Nagsilbi namang hurado sa mga timpalak ang mga guro sa SorSU-Bulan Campus.


Umaga ngayong araw, isinagawa ang taunang Laro ng Lahi na naglalayong buhayin ang mga tradisyonal na laro sa Pilipinas. Nagsaya at nanalo ang mga mag-aaral, pati na ang dalawang visiting students mula Vietnam, sa paglahok sa mga laro tulad ng pukpok-palayok, karera sa sako, hilahang lubid, at kadang sa bagol. Walang mapagsidlan ng tuwa ang mag-aaral na nagwagi sa agawang-biik. Naiuwi niya ang mismong biik na pinaghirapan niyang mahuli.


Hapon ngayong araw isinagawa ang Pampinid na Palatuntunan sa “Manggahan Area” kung saan nakagayak ng mga tradisyunal na kasuotang Pilipino ang mga kawani at mag-aaral ng SorSU-Bulan Campus. Kasabay ng simoy ng hangin ang nakakaantig at nakamamanghang awitin at sayaw na inihanda ng mga mag-aaral na bahagi pa rin ng patimpalak. Pinarangalan din sa pampinid na palatuntunan ang mga nagwagi sa mga patimpalak akademiko.


Sa kaniyang mensahe, pinasalamatan ni Prop. Ma. Elena C. Demdam, Direktor ng Bulan Campus, ang lahat ng mga tumulong, higit na ang mga organisasyon, upang mapagtagumpayan ang pagdiriwang. Aniya, tunay ngang nasa pagkakaisa ang tagumpay ng isang institusyon.
Samantala, muling binigyang-diin ni Dr. Geraldine F. De Jesus, Pangulo ng SorSU, ang adhikain ng kanyang pamunuan na isulong ang Wikang Filipino. Ipinagmalaki rin niya ang karangalang natanggap ng unibersidad mula mismo sa Komisyon sa Wikang Filipino bilang isa sa mga institusyong patuloy na nagsusulong ng paggamit at pagpapahalaga sa mga wika sa Pilipinas.


Isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng palatuntunan ay ang mensahe ng Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura na si Dr. Felisa Marbella. Ipinaliwanag niya ang diwa ng tema ngayong taon. Aniya, patunay ang pagtutulungan ng mga mag-aaral at administrasyon upang maipagdiwang ang Buwan ng Wika, sa kabila ng mga limitasyon, na mapagpalaya ng Wikang Filipino.


Hindi nawala sa pagdiriwang ang Pista Sa Nayon kung saan pinagsaluhan ng mga kawani at mga mag-aaral ang mga pagkaing Pilipino na kanilang inihanda tulad ng pansit, biko, suman, moron, kutsinta, at pitchi-pitchi. Literal ding pinagpiyestahan ang isang buong litsong baboy na donasyon mula sa isa sa mga kabahagi ng SorSU-Bulan Campus sa pagpapaunlad ng imprastruktura sa kampus.


Ang pagdiriwang na ito ay sumasalamin sa patuloy na pakikibahagi ng Bulan Campus sa mahahalagang hakbangin upang maisulong at mapagyaman ang Wikang Filipino at iba pang mga wika sa bansa.


Sorsogon State University – Bulan Campus