Ipinagdiwang ng Pamahalaang Pamantasan ng Sorsogon ang Buwan ng Wikang Pambansa noong ika-29 at ika-30 ng Agosto, 2024, sa apat na kampus – Magallanes, Bulan, Castilla, at Sorsogon City. Ang pagdiriwang ay naging matagumpay at nagbigay-diin sa kahalagahan ng wikang Pilipino.
Pinangunahan ng mga opisyal ng unibersidad, sa pamumuno ni SUC President III, Dr. Geraldine F. De Jesus, ang pagdiriwang sa lahat ng kampus. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. De Jesus ang pangako ng unibersidad sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng wika. Ayon sa kanya, “Bilang Pamantasang nakatuon sa pagpapahalaga at pag-iingat ng mga katutubong tradisyon, paniniwala, kaalaman at wika, layunin ng SorSU na manguna sa pananaliksik, pagturo at pagsasabuhay ng mga ito upang hindi makalimutan ng mga mamamayan – lalo na ng kabataan. Kaya’t dapat nating pag-ibayuhin ang pag-aaral ng Filipino at sarili nating diyalekto upang mas lalong mapagtibay at maihayag ang ating kakilanlang Pambansa at pangpamayanan.”
Nagbigay din ng mensahe si Dr. Felisa Marbella, Tagapamahala ng Sentro ng Wika at Kultura, na hinimok ang mga dumalo na patuloy na gamitin ang wikang Pilipino. Dagdag pa niya, “Hindi kakulangan, hindi kahinaan na gamitin ang Filipino sa pormal na sitwasyon kundi kinakailangan na mas lalo pa natin itong paigtingin. Ang nais kong ipakiusap ay ang pagsama-sama ng ating pwersa, lakas at talino upang makamit ang tunay na kalayaan sa edukasyon.”
Noong ika-30 ng Agosto, 2024, ang Sorsogon City Kampus ay naging sentro ng mga pangunahing kaganapan, kabilang ang mga parangal para sa iba’t ibang kategorya tulad ng pagsulat ng sanaysay, paggawa ng poster, masining na pagkukuwento, spoken work poetry, at isahang pag-awit. Kasama nito, isinagawa rin ang mga patimpalak para sa natatanging kasuotan, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pananamit. Ang mga kategoryang ito ay kinabibilangan ng pagpili ng pinaka-natatanging kasuotan ng mag-aaral at guro/kawani.
Ang panapos na pananalita na ibinahagi ni Dr. Telesforo D. Escoto (Tagapangasiwa ng Sorsogon Kampus), ay nagbigay ng buod sa matagumpay na pagdiriwang, na nagpakita ng pagkakaisa at dedikasyon ng Pamahalaang Pamantasan ng Sorsogon sa pagpapalaganap ng wikang Pilipino. Ang pagdiriwang na ito ay isang patunay ng masigasig na pagsisikap ng Pamantasang May Puso na maging tagapanguna sa pagbuo at pagpapatibay ng pambansang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng wika at sining. (SorSU PIO)