Mga Guro at Mag-aaral ng Paaralang Gradwado ng SorSU, Aktibong Nakilahok sa LIRIP 8: Pandaigdigang Kumperensiya sa Filipino

Aktibong nakilahok ang mga guro ng Sorsogon State University na sina Dr. Felisa D. Marbella, Dr. Sharon D. Mariano, Dr. Richelda P. Jolo, Mary Ann D. Especial at Fatima O. Arraya at mga mag-aaral ng Doktor ng Pilosopiya sa Edukasyon(PhD) at Master sa Arte ng Edukasyon(MAEd) medyor sa Filipino sa isinagawang LIRIP 8: Pandaigdigang Kumperensiya sa Filipino na ginanap noong Hulyo 26-28, 2024 sa Central Bicol State University of Agriculture San Jose, Pili, Camarines Sur. Ito ay may temang, “Filipino: Wika at Larang na Handa sa Hinaharap”. Layunin ng gawaing ito na mapagtagpo ang mga guro, manunulat, tagaplanong pangwika, at iskolar ng iba’t ibang larang upang magbahaginan at magtamo ng bagong kaalaman sa lalong ikasusulong ng Filipino, edukasyon at lipunan. Nilahukan din ito ng mga guro at mga mag-aaral mula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ito ay isinagawa ng harapan at onlayn sapagkat may mga kalahok na hindi nakadalo ng personal dahil sa sama ng panahon.

Ang gawaing ito ay inorganisa ng LUMINA Foundation for Integral Human Development (LIRIP) sa pakikipagtulungan ng Network of Professional Researchers and Educators (NPRE), Bicol University, Camarines Norte State College, Catanduanes State University, Central Bicol State University of Agriculture, Sorsogon State University, Unibersidad ng Timog Mindanao at Consortia Academia. Kasama ring naging katuwang sa gawaing ito ang Rex Education at Printing Services.


Ang gawaing ito ay nahati sa tatlong bahagi, unang bahagi ay ang pagtalakay sa ilang makabuluhang paksa. Unang tinalakay ni Dr. Gregory Ching ang paksang, “Embracing Future Thinkinf with Classroom Action Researches”, ibinahagi rin ni Engr. Abdon Balde, Jr. ang “Ika-21 Siglong Panitikan sa Pilipinas”. Binigyang tuon din ni Dr. Jovert R. Balunsay ang patungkol sa paksang, “Filipino sa Global na Aspekto”. Pagkatapos ng mga matalinong pagtalakay ng mga nabanggit na paksa ay nagkaroon ng “Kapihan sa CBSUA” kung saan nagkaroon ng malayang pagbabahaginan ng iba pang mga mahahalagang impormasyong mahalagang malaman ng mga kalahok sa pangunguna ni Propesor Clarence Darro del Castillo. Ang ikalawang bahagi naman nito ay ang pagbabahagi ng papel-pananaliksik. Nagkaroon din ng paglunsad ng Pambansang Samahan sa Wika at Kultura(PSWK) sa pangunguna ng direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng CBSUA. Nahalal bilang Ingat-yaman si Dr. Felisa D. Marbella, ang direktor ng SWK ng Pampamahalaang Pamantasan ng Sorsogon o Sorsogon State University.


Ibinahagi ni Gng. Mary Ann D. Especial ang pag-aaral na may pamagat na “Tracer Study ng mga Nagsipagtapos ng MAEd at PhD ng Sorsogon State University”, nagbahagi rin ng pananaliksik ang ilang mga mag-aaral mula sa PhD at MAEd, medyor sa Filipino ng Paaralang Gradwado ng Sorsogon State University. Kasama ring nagbahagi ng kani-kanilang pananaliksik ang mga mag-aaral at guro mula sa iba’t ibang paaralan.


Sa ikatlong bahagi naman ng gawain ay nagkaroon ng lakbay-kultura sa Robredo Museum, Penafrancia Museum at Basilica Church. Sa kabuoan ay naging matagumpay ang pagpipresenta ng papel ng bawat isa. Naging makabuluhan din para sa bawat kalahok ang isinagawang pandaigdigang kumperensiya. Bagong kaibigan at dagdag kaalaman ang kanilang baon pauwi sa kanilang kani-kanilang paaralan.
(SWK)