Nasungkit ng Sorsogon State University-Sentro ng Wika at Kultura ang parangal bilang KWF Dangal ng Wika at Kultura 2024

Ginanap ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Gabi ng Parangal noong Agosto 19, 2024 sa Mayuree Grand Ballroom Dusit Thani Manila, Lungsod Makati. Ang pagpupugay na ito ay iginagawad sa mga SWaK na tatlong (3) beses nang naparangalan ng Selyo ng Wika at Kultura at patuloy na nagsasagawa at sumusuporta sa mga gawaing pangwika at pangkultura ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Matatandaan na ang SWaK-SorSU ay nagsimula noong Agosto 2016, at sa loob ng halos siyam (9) na taong pagkatatag nito, patuloy na nakiisa ang SWaK sa mandato ng KWF na makipag-ugnayan sa alinmang departamento, kagawaran, opisina, ahensiya, o iba pang kasangkapan ng pamahalaan o mga pribadong entidad, institusyon o organisasyon, para sa kooperasyon at tulong sa pagtupad ng mga gawain, tungkulin, at mga pananagutan nito. Ang mga natatanging nagawang proyekto ng SWaK-SorSU ang naglagay sa pinakamataas na parangal na maaaring makamit ng isang sentro, ang tanghaling Dangal ng Wika at Kultura.


Ang pasasalamat ay iniaalay sa mga administrador, kawani, mag-aaral ng SorSU at maging sa pamahalaan at komunidad ng Sorsogon na may malaking gampanin upang maisabuhay ang mga proyekto ng SWaK.


Muling pagpupugay sa SWaK-SorSU. Mabuhay ang kultura at wikang Sorsoganon. Mabuhay ang wikang Filipino. (SWaK-SorSU)