Matagumpay na idinaos ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2025 sa apat na kampus ng Pampamahalaang Pamantasan ng Sorsogon (Sorsogon State University o SorSU) noong Agosto 22, 2025, na ginanap sa Magallanes Kampus at Bulan Kampus sa umaga, at sa Castilla Kampus at Sorsogon City Kampus naman sa hapon, na may temang, “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.”
Pinangunahan ang pagdiriwang ng mga opisyal ng SorSU sa pamumuno ng Pangulo ng Pamantasan, Dr. Geraldine F. De Jesus (SUC Pangulo III), kasama sina Dr. Jhonner D. Ricafort (Pangalawang Pangulo para sa Gawaing Pang-akademiko), Dr. Felisa D. Marbella (Direktor, Sentro ng Wika at Kultura), at iba pang mga opisyal, direktor, at kawani ng pamantasan.
Bilang pang-umagang gawain ng selebrasyon, isinagawa ang mga patimpalak sa masining na pagkukuwento, talumpati, at spoken word poetry. Idinaos naman noong Agosto 20, 2025 ang paligsahan ng mga Laro ng Lahi gaya ng Patintero, sack race, Tumbang Preso, Hilahang Lubid, at patimpalak sa pagguhit.
Nag-umpisa ang pampinid na palatuntunan sa pamamagitan ng parada ng mga kawani ng pamantasan na nakasuot ng kani-kanilang katutubong kasuotan, Filipiniana, o Barong Tagalog. Kabilang sa panghapong gawain ang paggawad ng pangaral sa mga nagwagi sa iba’t ibang palaro (Patintero, sack race, Hilahang Lubid, Tumbang Preso, at Tagisan Ng Talino: Pinoy Henyo).
Iginawad din ang pagkilala sa mga mag-aaral na may natatanging kasuotan: Mutya at Lakan ng Kasaysayan (CBM), Mutya at Lakan ng Panitikan (COEA), Mutya at Lakan ng Wika (CoTEd), Mutya at Lakan ng Kultura (COT), at Mutya at Lakan ng Sining (CoHaS). Bukod dito, ipinagkaloob ang pagkilala bilang Si Malakas at Si Maganda at Babaylan ng Wika sa mga kalahok na may pinakanatatanging kasuotan.
Samantala, sa hanay ng mga kaguruan/kawani, iginawad ang mga titulong Mutya at Lakan ng Kultura, Mutya at Lakan ng Wika, at Si Malakas at Si Maganda bilang pagpupugay sa kanilang mga bukod-tanging kasuotan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong De Jesus ang kahalagahan ng pagkilala at pagtangkilik sa Wikang Pambansa at mga katutubong wika bilang pundasyon ng paghubog at pagtatag ng nasyonalismo at pagmamahal sa sariling bayan.
Bilang pangwakas, nag-iwan ang Pangulo ng makabuluhang paalala: “Patuloy ko kayong hinihimok na mas lalo pang pag-ibayuhin ang pagtangkilik at pagtaguyod ng ating Wikang Pambansa at mga katutubong pananalita—hindi lamang sa ating pamantasan kundi pati na rin sa pakikipagtalastasan sa ating lipunan at sa social media—upang ang mga ito ay manatiling buhay. Sa ganitong paraan, tahasan nating maisusulong at mapapahalagahan ang sariling wika, kultura, at kasaysayan bilang mga mamamayang Pilipino na taos-pusong nagmamahal sa bayang tinubuan.” (SorSU PIO)


































































































