Matagumpay na idinaos ng SorSU – Laboratory High School ang pampinid na palatuntunan para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 nitong Agosto 29, 2024, sa SorSU Social Hall, Sorsogon City Kampus na may temang, “Filipino: Wikang Mapagpalaya.”
Pinangunahan ang pagdiriwang ng mga opisyal ng pamantasan, kabilang sina Dr. Telesforo D. Escoto (Tagapangasiwa ng Sorsogon City Kampus), Prop. Maria Flora J. Renovalles (Tagapamanihala ng Programa, LHS), Prop. Anabell A. Manga (Tagapamanihala ng Programa, BSED), mga guro at mag-aaral ng LHS, at iba pang kawani ng SorSU.
Sinimulan ang palatuntunan sa pamamagitan ng pambungad na mensahe mula kay Prop. Manga, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at ang malalim na kahulugan ng wika bilang isang makapangyarihang instrumento ng paglaya.
“Ang ating wika ang nagsisilbing sinulid na nagdudugtong sa ating nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.”
Nagbigay din ng mensahe ang Tagapangasiwa ng Sorsogon City Kampus, Dr. Escoto, winika niya na huwag sanang kalimutan ng mga mag-aral na ang wikang Filipino ang sandigan ng mga Pilipino. Ibinahagi niya na ang wika ang nag-uugnay sa mga Pilipino mula sa pag-aalsa ng kanilang mga ninuno laban sa mga mananakop hanggang sa mga modernong laban para sa karapatan, katarungan, at kalayaan.
Ibinida sa pampinid na palatuntunan ang patimpalak sa Sabayang Pagbigkas, kung saan ipinamalas ng mga kalahok mula sa Baitang 9, 10, at 12 ang kanilang angking galing sa pagbigkas nang isahan, pagpapakahulugan, pag-arte, at pagpukaw ng damdamin ng mga manonood gamit ang kani-kanilang sariling tula kaugnay sa nasabing tema. Kasunod nito ang maikling bugtungan sa pangunguna ni Gng. Maria Celeste J. Lagata (Guro ng Filipino).
Tampok din sa pagdiriwang ang paggawad ng sertipiko at premyo sa mga nagwagi sa Paggawa ng Poster at Islogan, Pagbuo ng Video Presentation, at Sabayang Pagbigkas. Iginawad naman ang alampay sa mga itinanghal na Mutya at Lakan ng Wika.
Bilang pampinid na gawain, sabay-sabay na inawit ng mga dumalo ang isang makabayang awitin (“Bayan Ko”) at ang Himno ng SorSU. Sa ikalawang bahagi ng selebrasyon ay nagkaroon ng pagsasalo-salo ang mga guro at mag-aaral ng LHS, na may temang Pista sa Nayon. (SorSU PIO)