SorSU Magallanes Kampus idinaos ang makabuluhang ‘Pista sa Nayon’ kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023

Nitong araw lamang, Agosto 29, 2023 ay matagumpay na nailunsad ang masaya at makabuluhang Pista sa Nayon. Sinimulan ng isang palatuntunan ng SorSU Magallanes Kampus kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika alinsunod sa paksang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad at Inklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan”.

Sa pangunguna ng ating butihing tagapangasiwa ng Magallanes Campus si Gng. Lynn C. Mendoza, kasama ng mga kawani, guro at mag-aaral, ay malugod na sinalubong ang mga panauhing pangdangal sa pamumuno ng institusyong ito, si Gng. Geraldine F. De Jesus. Sa kanyang talumpati, hinimok ang lahat lalo na ang mga mag-aaral na mas lalong itaguyod, pagyamanin at tangkilikin ang katutubong kultura, manguna sa pananaliksik, at patuloy na hubugin at isabuhay ang ating wika upang maibahagi ito sa bawat isa at sa lipunan.

Ayon din kay Gng. Felisa Marbella, Direktor ng Sentro ng Wika, binigyan nya ng diin ang mahigpit na pagyakap at pagpapahalaga sa ating sariling wika.

Higit pang umaliwalas ang palatuntunan nang magsipag handog ng awit at sayawan ang mga kalahok lalo na nang tumogtog ng pyesa si Gg. Marco Valenciano na hango sa komposisyon ni Nicanor Abelardo na Nokturno (Nocturne).

Hindi magkamayaw na tilian at palakpakan ng umawit si Bb. Sheena Marie D. Manere ng Kadena de Amor (ni Lutgardo Antiado Sr.) habang sinasabayan ng pag tugtog ni Gg. Valenciano.

Habang nagdaraos ng palatuntunan, ay nagkaroon rin ng “Saudan sa Kampus” kung saan ang mag mag-aaral lalo na ang BS Entrepreneurship ay nagkaroon ng pagkakataong magbenta ng kanikanilang mga produkto mula sa mga kakanin, buko, palamig prutas, at marami pang iba.

Sa huling bahagi ng palatuntunan, ang butihing pangulo ng unibersidad kasama ng mga direktor, kawani at mga mag -aaral ay masayang nakipagsayawan sa saliw ng pantomina. Sinundan nito ang munting salo-salo at sa bandang hapon ay ginanap ang palaro ng lahi, awitan, at ang pag anunsyo ng mga nagwagi. (SorSU Magallanes Kampus)