Panrehiyong Seminar-Worksyap sa Korespondensiya Opisyal 2023, pinamunuan ng SorSU-SWK

Matagumpay na idinaos ng Sorsogon State University – Sentro ng Wika at Kultura ang Panrehiyong Seminar-Worksyap sa Korespondensiya Opisyal 2023 na may temang, “Surat-Komunikasyon Tungo sa Matuwid na Lipunan”, ngayong Marso 20-21,2023.

Pinangunahan ang nasabing pagtitipon ng mga opisyal ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pamumuno ni Dr.  Sheilee B. Vega, Hepe, Sangay ng Literatura at Araling Kultura (SLAK). Kasama ring tagapanayam sina Dr. Jose Evie Duclay, Lingguist Specialist, G. Roy Rene Cagalingan, Senior Language Researcher, SLAK, Gng. Pinky Jane S. Tenmatay, Sr. Language Researcher, SLAK, at G. John Enrico Torralba, Hepe, Sangay ng Salin.

Dinaluhan ito ng mga opisyal ng bawat barangay ng Bacon West District at Bacon East District. Kalahok din sa nasabing seminar ang mga prinsipal at kawani ng DepEd-Probinsya ng Sorsogon at DepEd Lungsod Sorsogon.

Layunin ng seminar-worksyap na ito ang mga sumusunod: (1) mabigyan ng oryentasyon ang mga opisyal ng barangay at lokal na yunit ng pamahalaan sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 at maipatupad ito sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino sa mga transaksyon, komunikasyon, at korespondensiya ng kanilang barangay at tanggapan; (2) matalakay ang kahalagahan ng paggamit ng Wikang Filipino (pasalita o pasulat man) para sa epektibong pagbibigay ng serbisyo publiko; at higit sa lahat, (3) maitaguyod ang pagkakaroon ng patuluyang plano ng aksiyon ang mga ahensya at lokal na yunit ng pamahalaan para sa implementasyon ng EO 335. (FDM-SWK)