Nilahukan ng 135 na guro at mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralang elementarya, sekondarya, at kolehiyo sa bayan ng Sorsogon ang isinagawang Tertulya Pangwika ng Pampamahalaang Paaralan ng Sorsogon (SorSU) na ginananap sa SorSU AV Hall, noong Agosto 19, 2023. Naging tema ng tertulya ang “Iristoryahan: Paggamit ng Diyalektong Sorsoganon sa Iba’t Ibang Larang”. Pinamunuan ng Sentro ng Wika at Kultura (SWaK) ang nasabing tertulya.
Layunin ng nasabi gawain ang makilala ang kahusayan at kagalingan ng ating wika upang lalo itong mapaganda, mapaunlad, at mapagyabong. Gayundin ang makita at mabatid ang kahalagahan at papel na ginagampanan ng diyalektong Sorsoganon bilang midyum sa pagpapahayag at paglalarawan sa saloobin, pangarap, mithiin, mga karanasan, at mga gawain sa pang-araw araw.
Tampok sa nasabing tertulya ang pagbabahagi ni Kgg. Geraldine F. De Jesus, Pangulo ng Sorsogon State University ng kanyang pagbati sa mga dumalo sa nasabing okasyon. Ibinahagi rin ng pangulo ang kahalagahan ng wika lalo na sa larang ng pananaliksik. Nagbigay rin ng mensahe si Kgg. Arthur P. Cassanova, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Binigyang-diin ng ating tagapangulo ang katuturan at kagandahan ng ating wika.
Mas lalong naging mabunga ang nasabing gawain ng magbigay ng panayam ang mga naimbitahang tagapagsalita. Unang naging tagapagsalita si Dr. Greg G. Olayres, Puno ng Departamento Edukasyong Sekundarya ng Bicol University, Gubat Campus. Tinalakay niya ang paksang “Rawitdawit nan Tigsik sa Diyalektong Bisakol” Tinalakay rin ni G. Edgar L. Degormano, Jr ang paksang “Diyalektong Sorsoganon sa Akdang Pambata” Binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang halaga ng diyalektong Sorsoganon sa pagbuo ng mga akdang pampanitikan na maaaring magamit ng guro upang maipakilala ang mga salitang meron ang kanilang lugar. Gayundin ninais nilang ibahagi sa mga kalahok ang kagandahan ng ating wika.
Natapos ang isang araw ng tertulya na may ngiti ang bawat labi ng mga kalahok sapagkat alam nila na sa kanilang pag-uwi ay hatid nito’y pag-asa na kanilang maibabahagi sa kanilang kapwa guro at lalong-lalo sa kanilang mga mag-aaral. (SWK)