Sa layuning higit pang pagyamanin ang wika, pananaliksik, at kulturang Filipino, matagumpay na isinagawa ang isang araw na Tertulyang Pangwika 2025: Libreng Onlayn Riserts Kolokyum na may temang “Kuwentong Saliksik: Punto de Vista ng Mananaliksik”. Ginanap ito onlayn sa pamamagitan ng zoom noong Ika-2 ng Agosto, taong kasalukuyan. Nilahukan ito ng mga guro, mananaliksik at mag-aaral mula sa Sorsogon at sa ibang rehiyon.
Pinangunahan ang kolokyum ng Sorsogon State University- Sentro ng Wika at Kultura sa sa pamumuno ni Dr. Felisa D. Marbella. Ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025. Layunin ng programa na itampok ang mga karanasan at kaalaman ng mga guro sa kanilang isinagawang pananaliksik, gamit ang wikang Filipino bilang midyum ng kaalaman.
Ibinahagi ng limang (5) tagapagsalita ang kanilang mahahalagang pag-aaral na may iba’t ibang pokus gamit ang wikang Filipino. Unang pananaliksik na ibinahagi ni Bb. Shiela Amor V. Bunagan na may pamagat na, “Karaon sa Sorsogon: Mga Pagkaing Kilala sa Lungsod Sorsogon”, Pangalawang tagapagsalita ay si Bb. Carla M. Espenida sa kaniyang pag-aaral na, “ USAPP E- Mobile: Interaktibong Kagamitan sa Pagbasa”, Sinundan ito ni Bb. Karen M. Pareja at ang kaniyang ibinahaging pananaliksik ay may pamagat na, “FIL-ETIKA: Salin ng Kagamitang Pampagtuturo”. Ikaapat na pananaliksik na ibinahagi naman ni Bb. Maria Celeste J. Lagata ay pinamagatang, “Kasanayan sa Pagsulat sa Filipino ng mga Guro sa Junior High School sa Pampublikong Paaralan sa Lungsod Sorsogon”, at ang huling nagbahagi ay si G. Joven M. Lopez at ang pamagat ng kaniyang pananaliksik ay, “Gabay-Materyal sa Paggawa ng Pormal na Panulat sa mga Guro sa Elementarya”.
Nagbigay ng inspirasyon ang bawat presentasyon at nagbukas ng makabuluhang diskurso sa pagitan ng mga kalahok tungkol sa halaga ng pananaliksik sa lokal na konteksto. Isa itong patunay na ang wikang Filipino ay patuloy na nagiging mabisang kasangkapan sa akademya at pagtuturo.
Bahagi ng tagumpay ng kolokyum ang mahigpit na pakikipagtulungan at buong pusong suporta ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pangunguna ni Kom. Arthur P. Casanova at Sorsogon State University sa pangunguna ng pangulo ng institusyon na si Dr. Geraldine F. De Jesus, na kapuwang naniniwala sa kahalagahan ng wikang Filipino bilang kaluluwa ng ating bayan. Nagbigay rin ng mensahe ang komisyoner ng Wikang Bikol, Dr. Evelyn M Oliquino.
Sa pagtatapos ng programa, muling pinagtibay ng mga kalahok ang kanilang pangakong ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga makabuluhang pananaliksik gamit ang wikang pambansa — bilang ambag sa paghubog ng isang makabansa at makabuluhang edukasyon para sa susunod na henerasyon. (SWAK)
Kredito sa Larawan: SWAK












