IKAW ANG HIRAYA, BAGANING SORSU-BULANEÑO!
Noong ika-29 ng Agosto, muli nating ipinamalas ang pagtangkilik at pagmamahal sa mayaman nating wika, mayabong na kultura, at makulay na kasaysayan sa Pista Sa Nayon: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023.
Noong nakaraang taon, pagiging “bagani” ang naging tema ng ating pagdiriwang na nakakabit sa kakayahan nating harapin ang mga hamon ng buhay, higit na ang dumaang pandemya. Ngayon, isang panibagong taon, isang panibagong bukas ang ating hinahangad. Ang lakas ng ating loob ay nakaugat na sa tibay ng ating pag-asa, kaya angkop ang awiting “HIRAYA” upang maging kaligiran ng ating pagdiriwang. Tulad ng mga titik sa awitin, bilang mga kabataan, tayo ang ‘hiraya” ng ating pamantasan. Tayo ang pag-asa ng ating bayan.
Anumang pagsubok ang ating hinarap at haharapin, nanatili at mananatili tayong nakatayo sapagkat tayo mismo ang mga buháy na larawan ng pag-asang makakamit nating lahat ang tagumpay. Saan man tayo tumungo, saan mang dako ng mundo, magsisilbi tayong liwanag sa bawat madilim na bahagi ng ating paglalakbay.
Kaugnay ng pambansang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon, tayo rin ang “hiraya” upang makamit ang isang lipunang mapayapa, ligtas, at may ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan. Hindi lamang pansariling tagumpay ang ating hinahangad, kabilang sa ating mga “Hiraya Manawari” ang masilayang may katarungan at kapayapaan sa ating bayan.
Nagpapasalamat ang Sorsogon State University – Bulan Campus sa lahat ng mga tumulong upang maging matagumpay ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023, kabilang ang SSU BC – College Student Council, sa pangunguna ng Talagang Pangulo, Bb. Chantelle Gornes, Organisasyong STAND at iba pang organisasyon ng mga mag-aaral, mga mag-aaral ng NSTP, The Freethinker, at sa Achrony Films, na pinangungunahan nina G. Christo K. Geronga at Bb. Rea Mae Jocel Cledera, para sa masigasig na pagdodokumento ng mahahalagang tagpo sa pagdiriwang at sa pagbuo ng videong ito.
Maraming salamat sa lahat ng an mga opisyal, guro, empleyado at mag-aaral ng SorSU-BC na lumahok sa napakasayang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023! Hanggang sa susunod na Pista Sa Nayon! TAYO ANG HIRAYA. TAYO ANG PAG-ASA. (SorSU Bulan Campus)
Ang mga larawan at pahayag ay kuha sa “Pista sa Nayon: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023” ng SorSU Bulam Kampus nitong ika-29 ng Agosto.
“Pista sa Nayon”
Matinding sigawan ang naganap sa College of Business Management Education (CBME) area sa nangyaring agawan ng biik, ngayong araw ng “Pista sa Nayon: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika.”
Masasabing inabangan ng mga baganing SorSU-Bulaneños ang nasabing laro, sapagkat masayang nagtipon ang mga mag-aaral sa lugar kung saan inilagay ang istasyon ng agawang biik. Samantala, makikitang pursigido ang mga manlalaro na madakip ang biik na todo sa pagtakbo habang sila ay nakapiring.
Sa huli ay nagwagi si Nathaniel Dulay, third year, mula sa Bachelor of Public Administration, na nakuha ang biik sa pamamagitan ng kaniyang pambihirang teknik. Hinawakan at hinila niya ang paa, sabay inakap niya ang biik para hindi na ito makawala sa kaniya. Ayon pa nga sa kaniya, “Sabi ko saimo, nakatadhana ini saako.”
| via Sheena Lovendino
Emmanuel Alexandre Maribbay, Regine Frencillo, Andria Lyn Grajo, Chezka Gayle Banania
Ngiti at Tuwa
Bakas sa mukha ng mga mag-aaral ng Sorsogon State University – Kampus ng Bulan ang tuwa at pananabik sa kanilang panonood at pagsali sa mga kaganapan sa “Pista sa Nayon: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023” nitong ika-29 ng Agosto.
| Panulat ni Emmanuel Alexandre Maribbay
Pukpok-Palayok
KASALUKUYAN | Nagsisimula na ang isa pang laro na kabilang sa Laro ng Lahi, ngayong “Pista sa Nayon: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023,” ang Pukpok-Palayok na pinangungunahan ni Sir Aldin Labo at Sir Milan Bausa.
Ito ay isinagawa sa oras na 10:24 ng umaga, sa College of Business Management Education (CBME) area. Malakas na hiyawan at tili naman ang maririnig mula sa mga nanonood na sabik na naghihintay na mabasag ang palayok.
| via Sheena Lovendino
Sheena Lovendino, Chezka Gayle Banania, Regine Frencillo
Mga kareta, nagsimula nang umikot!
Bilang bahagi ng “Pista sa Nayon: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023,” isa pang laro ang sinimulan nang painitin, kasalukuyang araw, ika-29 ng Agosto sa Manggahan ng Sorsogon State University, Kampus ng Bulan. Ito ay pinangungunahan ng tagapagdaloy na sina Sir Gilbert Gile at Ma’am Marilyn N. Inocentes.
Narito na sila, mga gulong na umiikot habang mga kamay ay nagsisitama sa kareta, nagsisikilos na sabik na premyo ay mapanalunan.
| via Claris Dizon
Sir Gilbert Gile, Sherrelyn Chavez
Panindang Pinagkaguluhan
Dinumog ng mga mag-aaral ng SorSU-BC ang mga panindang inihanda ng mga 4th-year BS Entrep ngayong selebrasyon ng Buwan ng Wika. Ilan sa mga panindang pinagkaguluhan ay puto seko, blumeric tea, veggie bites, pili cookies, pili delight, sabanana, sardinella sausage, pili ice cream organic blend oil at eco-bio briquettes.
Inaanyayahan naman ang mga estudyante na subukan ang mga orihinal na produkto na tiyak na papatok sa kanilang panlasa at swak sa kanilanh bulsa.
| via Sheena Lovendino
Sheena Lovendino, Andria Lyn Grajo
Laro ng Lahi
Kasalukuyang isinasagawa ang isa sa unang bahagi ng pagdiriwang ng “Pista sa Nayon: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023,” ang LARO NG LAHI. Ito ay ginaganap ngayong araw, ika-29 ng Agosto sa “Oval” ng Sorsogon State University, Kampus ng Bulan.
Lalong pinaiinit ng mga baganing SorSU-Bulaneños ang panahon dahil sa hiyawan mula sa manunuod, mga lundag, takbo, at hilahan ng mga manlalarong nais iuwi ang mga papremyo. Ang mga larong nagaganap ngayon ay ang agawan ng biik, agawang lubid, luksong lubid, at karera sa sako.
Hanuna? Huwag nang palampasin ang pagkakataon. Huwag sayangin ang pawis nang hindi nagsasaya. Makilahok na sapagkat kasalukuyang nagpapatuloy ang mga laro.
| via Claris Dizon
Emmanuel Alexandre Maribbay, Sherrelyn Chavez
Patimpalak Akademiko
Sa pakikiisa sa selebrasyon ng Buwan ng Wika, ang unang bahagi ng Pista sa Nayon: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023 ay kasalukuyang sinisimulan na, ngayong martes Agosto 29. Ito ay may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Sa ngayon, ang mga kompetisyon sa akademiko ay ginaganap sa CCB (Computer Center Building). Ito ay kinabibilangan ng mga paligsahan sa paggawa ng poster, pagsulat ng tula, pagsulat ng sanaysay, tagisan ng talino, at paggawa ng islogan.
via | Sherrelyn Chavez
: Sherrelyn Chavez, Roselyn Gonzalez, Jonnel Grayda
Mga larawan at sulatin galing sa The Freethinker, ang Opisyal na Pahayagan ng SorSU Bulan Kampus