Tertulyang Pampanitikan sa Selebrasyon ng Buwan ng Panitikan 2025

Hindi maikakailang ang panitikan ay tunay na salamin ng buhay, sapagkat mababakasan ito ng iba’t ibang karanasan, ideya, damdamin at mga pangyayaring nagaganap sa buhay ng isang indibidwal o ng pamayanang kaniyang kinabibilangan. Dahil dito, mahalagang maipreserba at maipakilala sa susunod na henerasyon at higit pang pagyamanin ang kakayahan ng mga kabataan sa pagsulat ng iba’t ibang genre ng panitikan.

Kaugnay nito ay isinagawa ang Tertulyang Pampanitikan na isang seminar-worksyap na may pamagat na, “Surat-Panitikang Sorsogonanon” ngayong Abril 24, 2025, na nilahukan ng humigit-kumulang sa 130 mga mag-aaral sa hayskul at kolehiyo at maging mga guro sa DepEd Probinsiya at Lungsod Sorsogon. Ito ay pinangunahan ng Sentro ng Wika at Kultura (SWaK) na nakabase sa Sorsogon State University, katuwang ang Samahan ng mga Mag-aaral na Nagpapakadalubhasa sa Filipino (SaMaFil) ng Kolehiyo ng Edukasyon ng nasabing institusyon. Ang gawaing ito ay isang ekstensiyon na naglalayong patuloy na linangin ang kaalaman ng mga kabataan sa pagsulat ng panitikan at higit pang pag-igtingin ang kanilang pagmamahal sa pagsulat ng mga kuwentong kasasalaminan ng nagaganap sa kanilang buhay.


Sinimulan ang gawain sa pambungad na palatuntunan. Isang panalangin ang inalay bilang pagpapasalamat sa Lumikha, sinundan ito ng pag-awit ng Lupang Hinirang at ng Himno ng Pamantasan. Bilang pagsuporta sa gawaing ito ay nagbigay ng pambungad na pagbati ang butihin at napakasipag na dekano ng Kolehiyo ng Edukasyon na si Dr. Alfonso L. Garcia, kung saan sinabi niyang ang panitikan ay hindi lamang isang asignatura kundi pulso ng kultura at salamin ng ating pagkatao, dagdag pa niya, isa siya sa mga sumusuporta na panatilihin ang asignatura sa Filipino, wika man ito o panitikan dahil ayon sa kaniya kabahagi ito ng pagkakakilanlan ng lahi at bansa.


Sinundan naman ito ng mensahe ng masigasig na pangulo ng pamantasan na si Dr. Geraldine F. De Jesus. Sinabi niyang suportado niya ang mga gawaing ito sapagkat isa itong paraan upang higit na mapahalagahan ang mga kulturang Sorsoganon dahil ayon sa kaniya kasasalaminan ito ng damdamin ng pamayanan at maiugnay nito ang kasalukuyan sa nakaraan.


Nagbigay din ng inspirasyonal na mensahe ang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Dr. Arthur P. Casanova. Ibinahagi niya na noon pa man ay buhay na sa Pilipinas ang iba’t ibang genre ng panitikan. Dahil bago man dumating ang mga mananakop na Espanyol ay may mga obrang naisulat sa mga punong kahoy at dahon. Hinikayat din niyang makiisa ang lahat sa pagsikad sa patuloy na pag-unlad ng panitikan.


Sa ikalawang bahagi ng seminar ay ang pagtalakay na paksa. Ang unang tagapagsalita na ipinakilala ni Dr. Felisa D. Marbella ay si Ginoong Edgar L. Degormano, Jr. Ang paksang kaniyang tinalakay ay patungkol sa, “Sorsoganong Surumaton sa Anyong Tuluyan”. Ipinaliwanag ni G. Degormano ang pagsusulat ng tuluyang panitikang may salin sa diyalektong Sorsoganon. Ibinahagi rin niya ang kaniyang mga ginawang kuwentong pambatang nakaangkla sa pamumuhay ng mga tao sa kanilang lugar o tinatawag na kontekstuwalisado’t lokalisadong istorya. Pagkatapos ng talakay ay nagkaroon ng pagsulat ng akdang tuluyan na naksulat sa diyalektong Sorsoganon at nakabatay na rin sa mga bagay, pangyayari, o pamumuhay sa lugar na kanilang kinabibilangan.


Sa pagsisimula ng sesyon sa hapon ay ipinarinig naman sa mga kalahok ang mensahe ni Atty. Marites A. Barrios-Tarran, Direktor IV, Komisyon sa Wikang Filipino. Ibinahagi niya ang paliwanag sa tema ng buwan ng panitikan sa taong ito.


Samantala, ibinahagi naman ni Gng. Sara E. Buluran ang paksang, “Orgulyong Sorsoganon sa Anyong Patula”. Tinalakay niya rito ang mga tulang bikolnon katulad ng rawitdawit,tigsik, at awit, kung saan binigyang-buhay niya ang awit dahil kaniya itong inawit nang may buhay. Nagkaroon din ng worksyap sa pagsulat ng tigsik o rawitdawit.


Pagkatapos ng worksyap ay nagkaroon ng pagpaparangal sa mga napiling awtput ng kalahok at paggawad ng sertipiko sa tagapagsalita at sa mga kalahok. Sunod ay nagkaroon ng pagkuha ng larawan sa mga kalahok. Ang gawaing ito ay sumasang-ayon sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas 1987, Artikulo 14, seksiyon 14-15 at 17, kinakailangang itaguyod ng estado ang pangangalaga, pagpapayaman at dinamikong ebolusyon ng isang pambansang kulturang Pilipino salig sa simulaing pagkakaisa sa pagkakaiba-iba sa kaligirang malaya, artistiko at intelektuwal na pagpapahayag. Kasabay nito, nararapat lamang na tangkilin ang mga sining at panitikan sa pamamagitan ng pangangalaga, pagtataguyod at pagpapalaganap ng mga pamanang historikal at kultural na mga likha at mga kayamanang batis artistiko ng bansa. (SWaK)


Photo credits: SWaK & SaMaFil